Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na inaward na nila ang P1.61 bilyong kontrata sa F2 Logistics, kumpanyang konektado sa negosyanteng si Dennis Uy, isang supporter ng presidential campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.
Sa isang statement, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na inaprubahan ng en banc ang Notice of Award.
Saklaw ng logistics contract ang deployment ng election equipment, peripherals, forms, supplies, at paraphernalia, at warehousing para sa 2022 elections.

Nilinaw ni Jimenez na napili ang F2 Logistics para maghatid at hindi magsuplay ng election items.
Aniya, ang warehousing ay kaugnay lamang sa delivery, at ang mga vote counting machines ng Comelec ay may hiwalay umanong warehouse.
Mababatid na una nang sinabi ni Comelec Chairman Sheriff Abas na ipinag-utos nya sa Special Bids and Awards Committee (SBAC) na imbestigahan ang F2 Logistics na konektado kay Uy, na nagdonate ng P30 milyon sa presidential bid ni pangulong Duterte.