Nakatakdang makipagpulong ang Inter-agency Task Force kasama ang Commission on Elections para pag-usapan ang posibleng guidelines ng mga aktibidad ngayong papalapit na ang campaign period.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, malapit nang magsimula ang kampanyahan kaya dapat ay makapagpalabas na ang Comelec ng mga panuntunan sa mga pwede at hindi pwedeng gawin na mga political activities.

Ginawa ni Año ang pahayag kasunod ng mga reklamo kaugnay sa mga isinasagawang caravan ng ilang presidential candidates dahil maliban sa idinudulot nitong traffic, hindi rin nasusunod ang ilang health protocols katulad ng social distancing.
Sinabi ng opisyal na pag-uusapan nila kung paano mapipigilan ang kahalintulad na ‘super spreader event’.
Ang tanging magagawa lamang umano ng Philippine National Police at mga Local Government Units ay ipatupad ang public minimum health standard.