Tiniyak ng Commisison on Elections na isaang daang por syento na itong handa para sa ikakasang halalan sa Lunes, Mayo a-nueve.
Ayon kay COMELEC Commissioner Marlon Casquejo, all-set na ang lahat ng mga tanggapan at personnel ng COMELEC, pati na rin ang mga katuwang na electoral boards para sa halalan.
Tapos na rin umano ang final testing at sealing sa mga vote coutning machines, at nakahanda na ang mga polling precincts kung saan boboto ang ating mga kababayan sa Lunes.
Tiniyak din nito na mayroong nasa 1,100 mga naka-standby na VCMs sakali mang magka-aberya ang mga gagamitin sa mga presinto; habang nakatalaga rin ang iba’t ibang repair hub sa bansa.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni COMELEC Commissioner George Garcia ang mga botante na i-shade nang mabuti ang bilog na kalakip ng pangalan ng mapupusuang kandidato.
Bagamat kikilalanin na ng VCM kung 25% na shaded ang bilog sa balota, mas maigi umano kung ma-shade nang buo ang bilog.
Pinaalala rin nito na puwedeng mag-undervote; ngunit kapag nasobrahan sa boto ay magiging invalid na ito sa isang partikular na posisyon.
Halimbawa, kung nakapag-shade ng 13 pangalan ng mga Senador, magiging invalid na ang boto sa lahat ng mga Senador; ngunit papayagan pa rin kung hindi hihigit sa 12 pangalan sa pagka-Senador ang ishe-shade ng isang botante.
Samantala, mula sa higit 80,000 na mga local absentee votes – 60,000 ballots na ang natatanggap ng COMELEC.
#