Naniniwala si dating Bayan Muna lawmaker at lawyer Neri Colmenares na ang paghihirap ng bansa kaugnay sa korapsyon at kahirapan ay hindi mareresolba sa pamamagitan ng pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Binigyang diin nito sa pagdinig ng House of Representatives kaugnay sa constitutional amendments na nakamit ng South Korea at Taiwan ang economic progress nang walang major foreign direct investments (FDIs).
Ginawa ng dating mambabatas ang pahayag matapos ilatag sa komite ang ilang mga panukala kaugnay sa pagbabago ng restrictive economic clauses sa ilalim ng 1987 Constitution, na nagbabawal sa foreign ownership sa mga kompaniya at lupa.
Giit ni Colmenares, ang korapsyon at kahirapan ng bansa ay hindi naman umano nagmula sa Konstitusyon, kaya ang pag-amyenda dito ay hindi rin solusyon.
Ang presentasyon ni Colmenares ay kinabibilangan ng mga datos na nagpapakita sa percentage ng FDIs sa gross domestic product (GDP) ng Pilipinas kumpara sa mga datos ng tatlong mga bansa na kinabibilangan South Korea, Taiwan, at China, na mas maganda sa ngayon pagdating sa usapin ng ekonomiya.
Sa naturang presentasyon, lumalabas na mula 1985 hanggang 1989, o ang mga ilang unang taon ng 1987 Constitution, ang average percentage ng FDIs na may kaugnayan sa GDP ng South Korea ay nasa 0.5 percent, habang ang Taiwan at China ay parehong mayroong 0.7 percent, at ang Pilipinas naman ay may 1.1 percent.
