Isa pang Chinese vessel ang namataan kahapon sa gitna ng isinasagawang Multilateral Maritime Exercise sa pagitan ng mga barko ng Pilipinas, Amerika at France sa karagatang sakop ng Palawan.
Ayon kay Western Command Spokesperson , Capt. Ariel Coloma, isang People’s Liberation Army Navy vessel na may bow number 578 ang namonitor 7 hanggang 8 milya ang layo mula sa bahagi ng San Vicente, Palawan.
Samantalang ang Chinese Navy ship na may bow number 793 na naunang namonitor, 50 milya ang layo mula sa Palawan ay wala na sa lugar.
Sinabi ni Capt. Coloma, na sa kabila ng presensiya ng mga barko, walang communication challenges at untoward incidents na nangyari.
Kahapon , ang ikaapat na araw ng MME, ayon kay Coloma , matagumpay at naaabot ng mga kalahok na bansa ang kanilang training objectives.
Ngayong araw, magtatapos ang limang araw na MME na bahagi ng Balikatan Exercise.