Tahasang sinabihan ni House Speaker Martin Romualdez si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na humanap ng paraan upang maayos ang bilateral ties sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ibinahagi ni Romualdez na nagkaroon siya ng pagkakataon na makausap si Huang sa ginanap na vin d’honneur sa Malacanang.
Dito ay iginiit ng House leader na marahil ay hindi gugustuhin ng Ambassador na lalong mapasama ang magandang relasyon ng dalawang bansa sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Personal aniyang nasaksihan ni Huang ang matibay na relasyon hanggang sa magkalamat ito kaya dapat na sikapin nitong ayusin ang isyu bilang kinatawan ng China.
Tiniyak ni Romualdez na handa ang Kamara na maglaan ng resources na magpapalakas sa “archipelagic defense” at sisigurong sapat ang kagamitan ng armed forces sa pagharap sa anumang hamon.
Gayunman, ipinauubaya ng Speaker kay Pangulong Bongbong Marcos ang pagpapasya kung panahon na para paalisin sa bansa si Huang at ang kanyang staff bagama’t kabilang ito sa mga posibleng gawing hakbang.