Hinimok ni Albay Representative Edcel Lagman ang gobyerno na humingi ng danyos at hustisya para sa mga miyembro ng Philippine Navy na nasugatan sa pagbangga ng barko ng Chinese Coast Guard sa resupply mission sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Lagman, dapat pagbayaran ng China hindi lamang ang mga natamong sugat kundi pati na ang pinsala sa binanggang barko ng Pilipinas.
Dapat aniyang tukuyin ng China ang pagkakakilanlan ng mga salarin dahil may pananagutan din ang kanilang gobyerno bilang “principal”.
Ipinaliwanag nito na ang mga barko ng pamahalaan ay extension ng teritoryo at soberanya ng Pilipinas.
Ibig sabihin, ang pagkasugat at pinsala sa Filipino naval personnel at sa sinasakyan nilang barko ay ginawa sa loob ng hurisdiksyon ng ating bansa.
Dagdag pa ng kongresista, ang ginawang krimen ng Chinese Coast Guard ay paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Mababatid na isang Filipino Navy sailor ang naputulan ng daliri habang nagtamo ng galos ang iba pang personnel nang banggain ng Chinese Coast Guard ang mga bangka na bahagi ng resupply mission sa BRP Sierra Madre.