Tinanggap ni Pangulong Bongbong Marcos sa Malacañang ang ikatlong progress report ng Intergovernmental Relations Body o IGRB.
Sa seremonya, tinawag ni Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao bilang ‘shining example of peace’.
Iniulat ni Pangandaman na sa loob ng dalawang taon, na-convene at na-activate nila ang pitong IGRB mechanism sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law, na magtitiyak ng patuloy na konsultasyon sa pagitan ng Bangsamoro at ng national government.
Idinagdag niya ang pagbibigay ng amnestiya sa mga miyembro ng Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front.
Inatasan naman ni Pangulong Marcos si Pangandaman na pabilisin ang pagsasapinal ng IGRB manual of operations at pagresolba ng mga natukoy na isyu, lalo na’t nalalapit na ang parliamentary election sa BARMM.
Ang manual ay magbibigay linaw sa mga gawain at tungkulin para sa maagap na pagsubaybay sa mga isyu at magtatatag ng sistema ng continuity.
Pinagtibay rin ng Pangulo ang commitment ng pambansang pamahalaan na suportahan ang BARMM hindi lang para sa Mindanao kundi para sa buong bansa.