NAGA CITY—Kung ang ilang Electric Cooperative sa Camarines Sur ay panay ang taas ng power rate, kabaliktaran naman sa CASURECO IV dahil patuloy ang pagbaba ng singil sa kuryente.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay General Manager Renato San Jose, sinabi nitong sa kasalukuyan ay nasa P-9.83 lamang ang kanilang power rate na pinakamurang singil sa buong lalawigan.
Paliwanag kasi ni San Jose, mababa rin kasi ang benta ng kanilang supplier na PSALM o Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation na isang Government Owned and Control Corporation o GOCC. Direkta kasing gumagamit ng Geothermal Power Plant ang produsir ng kanilang kuryente hindi tulad ng ibang nagsusuplay na gumagamit ng coal at krudo na mataas ang presyo sa ngayon kaya mataas rin ang singil na ipinapataw sa mga member consumer.
Hindi naman nakikita ni San Jose ang pagtaas pa ng kanilang power rate sa mga susunod na buwan hanggang matapos ang kontrata sa PSALM.
Sa ngayon nagsasagawa na ng competitive selection process o bidding ang kooperatiba para sa mananalong bagong supplier ng kuryente.
Pagtitiyak ni San Jose, na ang mananalo sa bidding na may 10 taon na kontrata ay hindi dapat hihigit sa kasalukuyang power rate na kanilang sinisingil.