Kinumpirma ni House Secretary General Reginald Velasco na nailipat na sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong si Cassandra Li Ong.
Ayon kay Velasco, Miyerkules ng hapon nang mailipat si Ong sa women’s correctional mula sa detention facility sa Kamara.
Mababatid na noong nakaraang pagdinig ng Quad Committee ay muling pinatawan ng contempt order si Ong dahil umano sa pagsisinungaling na may kinalaman sa paaralan kung saan siya nagtapos ng alternative learning system o ALS.
Tinapos muna ni Ong ang unang tatlumpung araw na pagkakakulong sa Kamara na natapos nitong September 25 bago ilipat ng detention facility.
Si Ong ang sinasabing incorporator ng Whirlwind Corporation at legal representative ng Lucky South 99 POGO Hub sa Porac, Pampanga.