Inaprubahan ng House Committee on Ways and Means ang isang panukalang batas na magpapatupad ng tax exemptions sa mga donasyon para sa national athletes na kalahok sa international sports competitions.
Ayon kay Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda, naipasa ang House Bill 421 na una na ring lumusot noong 18th Congress at tinawag na “Hidilyn Diaz Law” ngunit hindi umusad sa Senado.
Sa pagkakataong ito ay papangalanan aniya na “Carlos Yulo Law” ang panukala bilang pagkilala sa kauna-unahang Olympian na nakasungkit ng dalawang magkasunod na gintong medalya.
Binigyang-diin ni Salceda sa kanyang sponsorship remarks na binanggit ng noo’y labindalawang taong gulang na si Yulo na pangarap niya ang magwagi ng gintong medalya para sa Pilipinas sa Olympics at tuluyan itong nakamtan makalipas ang mahigit isang dekada.
Nakapaloob sa panukala na hindi na bubuwisan hindi lamang ang mga premyong ipagkakaloob ng brands at mga kumpanya matapos magwagi kundi pati na ang donasyon habang sumasabak sa training isang taon bago ang kompetisyon.
Gagawin ding “retroactive” ang exemption mula January 1, 2024 at kasama sa isinusulong na ang mga donasyon na idadaan sa Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee ay hindi rin bubuwisan.
Giit ni Salceda, sa halip na makisakay sa tagumpay ay mas kailangang bigyan ng insentibo ang pamumuhunan sa atleta na pinagsusumikapang magkamit ng medalya para sa bansa.