NAGA CITY- Pumalo na sa sampu ang aktibong kasong COVID-19 sa Camarines Sur batay sa tala ng Environment Disaster Management and Emergency Response Office o EDMERO nitong Linggo Hulyo 3, 2022. Tatlong mga taga bayan ng Libmanan ang nadagdag sa record.
Umabot na sa 17, 022 ang kaso ng nasabing sakit mula 2020. 16, 345 ang nakarekober subalit 630 ang nasawi.
Sa pahayag sa publiko ni Department of Health Assistant Regional Director Dr. Ferchito Avelino sinabi nitong nakikita nila ang patuloy na pagtaas ng kaso sa Bicol Region sa loob ng pito pang araw kung patuloy ang mga pagtitipon at pagluwag ng LGUs restrictions sa paggamit ng facemask at social gatherings.
Dahil dito, nababahala ang mga nasa transport group. Sinabi sa Brigada News FM Naga kay Joel Pillogo ng Concerned Drivers and Operators- Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (CONDOR-PISTON)- Camarines Sur, delikado ito dahil baka maapektuhan nanaman ang transport sector, ayaw na aniya nilang mangyari muli na hindi nakapagpasada ang mga jeep.
Pakiusap nito sa mga driver sitahin ang mga walang suot na facemask, kung maaari rin huwag itodo o isagad sa 100% capacity o higit pa ang pinasasakay upang hindi parin gaanong magsiksikan kahit na marami na ang hindi naniniwala sa COVID-19.