CAMARINES NORTE – Nakapagtala ng panibagong kaso ng pertussis ang lalawigan ng Camarines Norte batay sa pinalabas na report ng Department of Health noong Sabado, June 29.
Dahil dito dalawa na ang kumpirmadong kaso ng sakit sa lalawigan.
Naitala ang pinaka unang kaso ng pertussis sa lalawigan noong Mayo at pagkalipas ng isang buwan ay nadagdagan ito ng isa pa.
Pero bago pa man magkaroon ng kumpirmadong kaso ng pertussis sa probinsiya nagpalabas na ng advisory ang Provincial Health Office kaugnay sa mga dapat gawin ng publiko upang hindi tamaan ng nabanggit na sakit.
Ipinapayo ng ahensiya ang pagsusuot ng facemask, madalas na paghuhugas ng kamay, i- practice ang cough and sneeze etiquette, umiwas sa matataong lugar at palakasin ang Epidemiologic and Surveillance.
Ang Pertussis o Whooping Cough ay nagdudulot ng matinis at ipit na paghinga matapos ang pag-ubo. Ang bata ay maaaring makaranas ng apnea o pagtigil sa paghinga, pagkahirap sa paghinga, at pagsusuka.
Sa buong Bicol umaabot na sa kabuuang 98 ang naitalang kaso ng sakit at mayroon na ring dalawang nasawi dahil dito.
