CAMARINES NORTE- Nagbabala ang Provincial Health Office na posibleng tumaas muli ang mga kaso ng COVID- 19 sa lalawigan ng Camarines Norte sa Agosto.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na kapag patuloy pang tumaas ang mga kaso ng sakit sa kamaynilaan ay hindi malabong mangyari na tumaas din ang mga kaso nito sa lalawigan.
Gayunman, posible naman aniya itong mapigilan kung susunod ang lahat sa health protocols tulad ng palagiang pagsusuot ng face mask, social distancing at pag iwas sa mga matataong lugar.
Sa ngayon ay mayroong tatlong aktibong kaso ng COVID- 19 sa lalawigan na pawang nakaranas ng mild symptoms.
Kung ikukumpara sa kaparehong panahon noong 2020 at 2021 tumaas ng 0. 7 percent ang kaso ng COVID- 19 ngayong 2022 dahil zero case ang nakalipas na dalawang taon sa ganitong mga buwan.
Sa kabuuan umaabot na sa 4, 060 ang kaso ng sakit sa lalawigan habang nasa 3, 801 naman ang nakarekober.
Umabot na rin sa 256 ang bilang ng mga namatay kung saan pinakamarami noong 2021 na may 218 at 29 ngayong taon habang 9 naman noong 2020 sa unang taon ng pandemya.
Kaugnay nito muling hinimok ni Francisco ang mga hindi pa nagpapabakuna na magtungo na sa kanilang mga RHU para mabakunahan.
Aniya walang dahilan na hindi mabakunahan dahil hindi tulad dati, sapat ang mga bakuna ngayon.
Sa datos ng Provincial Covid- 19 Vaccination Operation Center nasa 164, 167 pa o 32 percent ang wala pang bakuna sa lalawigan.
