CAMARINES NORTE- Inaprobahan ng Sangguniang Barangay ng Tuaca sa bayan ng Basud, Camarines Norte ang ordinansang nagbabawal sa mga buntis na uminom ng nakalalasing na alak.
Ayon dito, hindi dapat uminom ng alak ang mga buntis dahil nagdudulot ito ng masamang epekto sa sangggol habang nasa sinapupunan ng isang ina.
Maaari umanong magkaroon ang sanggol ng tinatawag na Fetal Alcohol Spectrum Disorder o permanenteng pinsala sa utak, kahirapan sa paningin at pandinig, pinsala sa puso, bato atay at iba pang organ at hindi maayos na pagbuo ng ilang parte ng katawan nito.
Kailangan umano ang ibayong pag- iingat mula sa pagbubuntis hanggang sa pagsapit ng araw ng kapanganakan upang magkaroon ng lakas, enerhiya ang isang ina at para maiwasan ang panganib na maaaring mangyari sa oras ng kaniyang panganganak.
Ayon din daw sa 2012 Nutritional Guidelines for Filipinos (NGF) kailangang maging physically active, kumain ng masusustansiyang pagkain at i- manage ang stress upang magbunga ng malusog na sangggol at malakas ang immune system.
Sa ilalim ng ordinansa papatawan ang lalabag ng multang mula P350.00 o walong oras na community service hanggang P500.00 o labingdalawang oras na community service.
Kung community service, nakasaad sa ordinansa na ang asawa, magulang/guardian, kapatid o sinuman na nais maging representative ang mananagot sa penalidad na nagawa ng isang buntis.

