SORSOGON CITY – Gagamitin muna na air cargo facility ang dekada nang nakatiwangwang na Bulan airport sa nasabing bayan.
Ayon kay Municipal Councilor Olaf Gotladera, naging positibo ang sagot sa kanya ng mismong OIC Asst. Secretary for Aviation and Airport ng DOTr-Bicol na si Jaime Alberto Melo.
Ayon umano kay Melo, masisimulan ang rehabilitasyon ng nasabing airport sa taong 2022.
Una rito, nagpasa ng SB Resolution No. 049 si Gotladera na naglalayong pabilisin ang pag-upgrade ng Bulan Airport para magamit muna ito na air cargo upang makapagbigay daan sa maraming pamumuhunan at trabaho sa naturang bayan.

Ang iniakdang Resolution ay sinang-ayunan naman ng konseho.
Matatandaan na ang Bulan Airport ay tinaguriang ‘white elephant’ project na pinagkagastusan noon ng gobyerno na wala naman palang pakinabang o hindi man lang nagamit ng sambayanan.
Ayon pa kay Gotladera, sinimulan ang feasibility study ng nasabing proyekto ng kanyang lola na si Mayor Celerina Gotladera noong 1992.
PHOTO: Municipal Councilor Olaf Gotladera