Hinimok ni BHW Party-list Representative Angelica Natasha Co ang mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na palitan na ang tradisyunal na istilo ng pangangampanya.
Ayon kay Co, sa halip na idaan sa personality-based campaigning ay makabubuting ipaliwanag ng mga kandidato sa mga botante kung paano nila ipatutupad ang mga batas na mapakikinabangan tungo sa pag-angat ng buhay.
Iginiit nito na mainam na ipabatid ang papel na ginagampanan ng barangay at community leaders sa implementasyon ng national programs nang sa gayon ay magkaroon ng direksyon, layunin at halaga sa buhay ng constituents ang kampanya.
Kabilang sa mga batas na binanggit ng kongresista ang One Town, One Product Law na makatutulong sa paglikha ng trabaho at negosyo sa community level at ang New Agrarian Emancipation Act na nagbubura sa utang ng mahigit 610,000 agrarian reform beneficiaries.
Gayundin ang Republic Act 11961 na nag-amiyenda sa National Cultural Heritage Act na nagsusulong ng cultural mapping sa local level at preservation ng cultural sites na mahalaga sa kabuhayan at turismo.
Bukod dito, pinayuhan ni Co ang mga kandidato na alamin kung magkano ang share ng barangay sa internal revenue allotment upang masilip ang mga proyektong dapat mapondohan mula sa buwis.