BICOL—Nag abiso ang Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) na hindi muna ito tatanggap ng mga pasyenteng walang kinalaman sa COVID-19 simula sa Miyerkules, Setyembre 15.
Sa public advisory ng pamunuan ng ospital, bahagi ito ng kanilang Surge Contingency plan matapos maobserbahan ang muling pagtaas ng kaso ng coronavirus.
Bilang nag-iisang COVID-19 referral center sa lalawigan ng Albay, pinaghahandaan ng ospital ang posibleng pagkapuno nito kung magpapatuloy ang COVID surge.
Tanging mga kumpirmado at hinihinalang COVID cases na lamang ang tatanggapin dito habang ipapadala naman sa iba’t-ibang ospital sa probinsya ang kanilang mga espesyalista upang patuloy na makapagsilbi sa mga kondisyong walang kinalaman sa coronavirus.
Kabilang dito ang Legazpi City Hospital, Josefina Belmonte Duran Albay Provincial Hospital sa lungsod ng Ligao at Dr. Lorenzo P. Ziga Memorial District Hiospital sa lungsod ng Tabaco.
Sa kabila nito, may ilan namang mga units sa BRTTH na bukas pa rin sa ibang mga pasyente gaya ng Coronary Care Unit (CCU), Medical Intensive Care Unit (MICU), Neonatal Intensive Care Unit (NICU), Pediatric Intensive Care Unit (PICU), at Bicol Center (BCC).
Mananatili rin ang operasyon ng Telehealth service mula aalas 8:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon kung saan maaaring tumawag ang mga kliyente sa mga numerong 0929-722-5346; 0929-722-9238 o kaya naman ay sa landline number na (052)-732-5598.
Pwede ring bisitahin ang kanilang facebook page na BRTTH Telehealth Project. Ang mga katanungan ay maaari ring idulog sa BRTTH HEMS hotline 0917-571-7234 o 0918-947-2018 o kaya sa kanilang trunkline number 732-5555 local 4268.
Ayon sa pamunuan ng ospital, babalik din sa dati ang kanilang operasyon oras na makontrol na ang pagtaas ng kaso ng COVID-19. Sa ngayon ay hiling nito ang kooperasyon ng bawat isa sa laban kontra pandemya.### || slm