SORSOGON CITY—Puspusan ang trabaho ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang matapos sa target date nito ang konstruksyon ng Bacon Boulevard Breakwater structure sa Barangay Poblacion Bacon Disrict, dito sa lungsod.
Ayon kay DPWH Regional Director Virgilio Eduarte, kabilang sa proyekto ang konstruksyon ng 615.28 linear breakwater structure.
Ang proyekto ay binubuo ng apat na contract packages kung saan ang Package 1 at 2 na nagkakahalaga ng P67. 5M ay may pinagsamang haba na 286.78 linear meters na natapos na noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Ang Package 3 at 4 naman na kasalukuyang ginagawa pa rin ay may pinagsamang haba na 328.5 linear meters at nagkakahalaga ng nasa P93.5M.
Sa pahayag ng opisyal, kapag ganap ng nakumpleto, ang breakwater ay magsisilbing unang linya ng depensa ng mga residente ng Barangay Poblacion mula sa pagbaha at mga storm surge sa tuwing may sama ng panahon.
Anya pa, bukod sa pagprotekta sa residential area, binabawasan din ng flood mitigation structure ang coastal erosions at magbibigay ng ligtas na mooring at berthing sa mga fishing vessel.
Ang proyekto ay pinangangasiwaan ng DPWH Sorsogon First District Engineering Office.
