SORSOGON CITY – Hindi na nakarating pa sa ospital ang 29-anyos na binata matapos saksakin ito ng kanyang kapwa bosero o maninisid sa Brgy Buenavista, West District sa lungsod ng Sorsogon.
Kinilala ang biktima na si Delfin Mendoza Pasaylo, tubong Brgy Malocabo, Sagay City, Negros Occidental.
Kasalukuyan namang tinutugis ng pulisya ang suspek na si John Pineda Morales, 41-anyos, binata, tubong Brgy Tanza, Estanza, Iloilo.
Ang magkababayan ay parehong residente ng nasabing barangay.
Batay sa ulat na natanggap ng Brigada News FM-Sorsogon, nauwi umano sa mainit na pagtatalo ang masayang inuman ng dalawa hanggang sa masaksak ng suspek ang biktima.
Nagtamo ito ng tama sa dibdib at nakatakbo pa para humingi ng tulong subalit nalagutan ng hininga sa barangay hall ng nasabing lugar.
Nagpapatuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa tumakas na si Morales.

