Sumuko ang isang mataas na opisyal ng rebeldeng NPA na siyang gumagawa ng mga bomba kasama ang asawa nito at pamangkin sa mga kasapi ng 502nd Infantry Brigade sa Palanan, Isabela katuwang 95th Infantry Battalion Philippine Army.
Kinilala ang mga sumuko na sina alyas Badi, 49-anyos na taga Legazpi City, Albay, commanding officer ng Regional Ordnance Group of the Regional Operations Command, ang kaniyang asawa na si alyas Rowena, 36-anyos na residente ng Palanan, Isabela at alyas Erick na isang logistics officer.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Maj. Jekyll Dulawan, ang chief DPAO ng 5th Infantry Division, sinabi niya na dala ng mga rebelde ang tatlong M16 riffles, 2 bandoliers, medical paraphernalia, 3 cellphones at subersibong mga dokumento.
Isinuplong din nila sa tropa ng pamahalaan ang mga lugar kung saan inimbak ang mga armas at narekober doon ang 68 na piraso ng APMs, mga detonating cords, 7 blasting machines, 9 remote controls, IED paraphernalia, isang power generator, rifle scope, hard drive at mga personal na kagamitan ng mga rebelde sa Sitio Dadugen, Brgy. Dibuluan, San Mariano, Isabela.
Ayon umano sa mga rebelde, sila ay sumuko matapos makitang wala silang patutunguhan sa loob ng kilusan lalo na ngayon at nasawi na ang kanilang kumander na si Alyas Yuni.
Ito rin umano ay upang mapangalagaan ang bagong panganak na sanggol ng mag-asawang Badi at Rowena.
Sinabi pa ni Maj. Dulawan na si alyas Badi na lamang umano ang natitirang bomb maker sa loob ng kilusan kaya naman malaki aniya ang epekto ang pagsuko nito sa armadong grupo.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng 95th Infantry Battalion ang mga sumukong rebelde at tiniyak ang kanilang seguridad sa kanilang pagsuko.
Photo: 5ID Start Troopers PA