SORSOGON CITY – Nang dahil umano sa problema sa pamilya, isang miyembro ng Cafgu na nakabase sa Brgy San Isidro Patrol Base sa bayan ng Sta Magdalena ang nagwala at nanunog.
Kinilala ang suspek na si Albert Uy Gajo, 35-anyos, may asawa at residente ng nasabing barangay.
Sa impormasyon na ekslusibong nakuha ng Brigada News FM-Sorsogon, nawindang umano ang suspek, na dati nang may problema sa pamilya, nang sabihan ng kanyang opisyal na magpahinga at mag-leave muna sa trabaho. Hindi umano ito naintindihan ng suspek at inakalang siya ay tinatanggal na sa trabaho bilang Cafgu.
Nagwala umano ito sa loob ng Patrol Base at sinunog ang mga motorsiklo na personal na pag-aari ng kanyang kasamahan at ang iba ay pag-aari ng mga sundalo. Nadamay naman ang isang Belgian dog kung saan ang kulungan nito ay katabi lamang ng mga nakaparadang motorsiklo.
Sa update na nakuha ng Brigada News, nahaharap na ngayon si Gajo sa magkapatong na kasong Arson at direct assault.
PHOTOS exclusive for Brigada News FM-Sorsogon


