Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Benjamin Acorda ang realignment ng 2,700 body-worn cameras sa mga pulis na magbabantay ng mga checkpoints upang matiyak na mamo-monitor ang kanilang operasyon, kasabay ng unang araw ng pagpa-file ng Certificate of Candidacy (COC) para sa Baranggay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay PNP public information office chief Brig. Gen. Redrico Maranan, sinabihan na sila ni Acorda na direktang i-supervise ang mga checkpoint na pamumunuan ng mga provincial directors at mga chiefs of police para siguruhing ang mga pulis ay nasa tama nilang lugar; nagbabantay ng mga sasakyan; nakasuot ng proper uniform; at sumusunod sa police operational procedures.
Maliban dito, binigyang-diin din ni Maranan na higit sa lahat, kailangang i-observe ng kanilang hanay ang human rights at pagiging magalang sa mga dumadaang motorista.
Samantala, ibinahagi rin ng opisyal na may natukoy silang 27 election hotspots kung saan nakapagtala ng mga poll-related violent incidents noong mga nakaraang taon.
Patuloy umano silang nakikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at Comelec para ma-validate ang hawak nilang listahan ng mga election hotspots upang malaman ang mga lugar na isasailalim sa “red category.”