Hinihintay na lamang ng Bureau of Jail Management and Penology- Cauayan City ang certificate of occupancy mula sa lokal na pamahalaan ng lunsod upang mailipat na ang mga persons deprived of liberty (PDL) sa bagong building ng tanggapan.
Ito ang kinumpirma ni J/CINSP Bonifacio Guitering ang District Jail Warden ng BJMP Cauayan sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Aniya, nakapagrequest na ang kanilang tanggapan sa LGU Cauayan para sa certificate of occupancy upang mailipat na ang mga PDL sa kanilang bagong building na mayroong tatlong palapag.
Dagdag pa niya, sa bawat palapag ay mayroong 4 na lock-up cell kung saan nasa 30 na katao ang kayang i-okupa ng bawat cell ngunit batay umano sa populasyon ng PDL ay nasa 20 lamang ang magkakasama sa isang selda sa oras na matanggap na ng tanggapan ang nasabing sertipikasyon.
Magbibigay umano ito ng maayos na estado ng tulugan sa mga PDL.
Habang bilang preparasyon ay maglalagay naman ang BJMP Cauayan ng submersible deep well sa nasabing building upang matugunan ng maayos ang water system dito kung saan base umano sa kanilang obserbasyon ay hindi na aabot pa ang tubig sa 3rd floor.
Ayon pa kay Jail Warden Guitering, sa oras na mailipat na ang mga PDL sa bagong lock-up cell ay gagawin na umanong video conferencing area ang old building at maaari ring magamit ng mga kababaihang PDL.
Samantala, nagpapatuloy naman ang pangkabuhayan ng mga inmate tulad ng pot at dress making upang matugunan ang pangangailangan ng mga ito sa loob ng piitan.