SORSOGON CITY – Narescue ng mga episyenteng personahe ng Mobo Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ang isang biyuda na nagtangkang magpakamatay sa Brgy Lalaguna, Mobo, Masbate.
Sa ekslusibong panayam ng Brigada News FM-Sorsogon sa Mobo MDRRMO, sinabi nito na naisumbong sa kanilang opisina ng isang concerned citizen na may isang babae na bumili ng snak sa kanyang tindahan na may nakapulupot na tela sa leeg at ito ay may mga bahid ng dugo.
Nabatid na ang biyuda ay nagtangkang maglaslas ng blade sa harapan mismo ng kanyang mga anak. Naisumbong umano ang ginawa ng Ginang kung kaya’t naagapan ito ng ilang kamag-anak
Napag-alaman din sa mga kamag-anak ng biyuda na ito ay may 5 anak, kung saan ang panganay ay may edad 14 o 15-anyos lamang.
Depressed umano ang Ginang dahil wala itong trabaho at problemado sa araw-araw na pagkain nilang mag-iina.
Sa ngayon ay nagpapagaling na ito ng kanyang sugat sa leeg sa Masbate Provincial Hospital.
Samantala, ayon sa Mobo Police Station, wala umano silang natanggap na ulat tungkol sa nasabing attempted suicide.
Sa update naman na nakuha ng Brigada News sa MSWDO, nabigyan na nila ng food assistance ang pamilya at sa susunod na linggo ay magkokodukta sila ng house visitation at counselling sa mag-iina.
