CAMARINES NORTE- Nilinaw ni Bishop Rex Andrew Alarcon ng Diocese of Daet na walang polisiya na hindi papasukin sa loob ng simbahan ang mga dadalo sa simbang gabi na hindi pa bakunado simula mamaya at bukas ng madaling araw.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ng Obispo na walang ganitong patakaran na ibinababa sa kanila ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) taliwas sa mga naunang napabalita.
Ayon kay Alarcon kahit sino ay welcome sa loob ng simbahan bakunado man o hindi pero mahigpit pa ring ipapatupad ang health protocols tulad ng social distancing at pagsusuot ng face mask.
“Wala naman po kaming ganung policy, we continue to follow siyempre the protocols of social distancing, wearing the face mask pero wala po tayong directive na hindi papapasukin sa simbahan ang mga unvaccinated, so we welcome anybody, ani Alarcon.
Maging ang mga matatanda at bata na kasama ang magulang ay pinapayagang pumasok sa loob ng simbahan lalo’t pwede naman ito sa ilalim ng Alert Level 2.
Paliwanag ni Alarcon na marami lalo na sa mga senior citizen na ang pinagmumulan ng kalakasan ay ang spiritual act sa pamamagitan ng pananalangin.
Pero hindi aniya ito nagangahulugan na ipagwawalang bahala ang mga kinakailangang pag iingat.
“Ang pagpunta sa simbahan ay parang pagpunta sa botika ang sinasabi natin na many of our senior citizens find their strength by the spiritual act, by prayer, of course habang sinasabi ko ito, hindi man natin sinasabi na parang hindi tayo nag iingat, in other words while we respect what science says and while we observe protocols, but we also proclaim and teach it is not only bread that is needed by people but the grace of the Lord.”
Wala rin umanong magiging major adjustment ang simbahan sa loob ng siyam na araw na simbang gabi at mananatili ang pagpapaalala sa mga tao na sundin ang health protocols.
Pinayuhan din ng Obispo ang mga Parish Priests na kung hindi masusunod ang social distancing sa maliliit na chapel sa mga barangay ay gawin na lamang ang misa sa mas malaki at angkop na lugar.
