CAMARINES NORTE- Hinimok ni Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ang bawat pamilya na maging matatag sa gitna ng napakaraming pagsubok at problemang kinakaharap sa kasalukuyan.
Sa kaniyang homily sa lokal na pagdriwang ng 10th World Meeting of Families na ginanap kahapon sa Holy Trinity Cathedral sa bayan ng Daet, binigyang diin ng Obispo na walang perpektong pamilya at ang lahat ay may bigat at problemang pinagdadaanan.
Marami rin umanong pagkakataon ng pagdududa at minsan ay hindi alam ang gagawin kung papaano makakalagpas sa napakaraming pagsubok sa loob ng pa,ilya.
Sa gitna aniya ng lahat ng ito ay kailangan lamang maniwala sa pag- ibig, sa buhay at sa Diyos.
Ginawa ang Diocesan celebration kahapon bilang pakikiisa sa buong mundo sa naturang pagdiriwang.
Simula kahapon, Hunyo 22 hanggang sa linggo, Hunyo 26 ay hinimok ng Obispo ang mga simbahan sa lalawigan na patunugin ang kampana tuwing alas 6 ng gabi.
Ang World Meeting of Families ay karaniwang ginagawa kada ikatlong taon na kilala bilang pinakamalaking pagtitipon ng Catholic families sa buong mundo na dinadaluhan ng milyong katao.
Pero dahil sa COVID- 19 pandemic minarapat ng organizer na limitahan lang ang pisikal na dadalo sa naturang selebrasyon.
Ang pagkakaroon ng lokal na selebrasyon ay paraan ng Diocese of Daet na ipakita sa buong mundo na kaisa ang pamilyang CamNorteño sa naturang pandaigdigang pagtitipon.
(Photos courtesy: Diyosesis ng Daet fb)
