CAMARINES NORTE- Hinimok ni Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ang bawat isa na suriin ang sarili ngayong Semana Santa.
Sa kaniyang homily sa pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas o Palm Sunday sinabi ng Obispo na ang Semana Santa ay ang pag alala sa paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus
Kaugnay nito ay hinimok ni Alarcon ang mga mananampalataya na hingin ang grasya ng pagpapakumbaba at tanggapin ang mga pagkakamali at kasalanan.
Aniya, madalas ay mabilis na nakikita ng tao ang pagkakamali at kasalanan ng iba pero takot na tanggapin ang sariling pagkakamali.
Ngayong Semana ay inaanyayahan umano ang lahat na suriin ang sarili, tanggapin ang mga pagkakasala at humingi ng tawad.
Dagsa naman ang mga deboto sa iba’t- ibang simbahan dala ang mga palapaspas.
Ito ang unang pagkakataon pagkalipas ng dalawang taon na mas maluwag ang COVID- 19 restrictions.
Kaya naman may ilang parokya na nagsagawa na ng Palm Sunday Procession.
Una nang sinabi ng Obispo sa naging panayam ng Brigada News FM Daet na ang pangkalahatang tagubilin ay wala munang mga prusisyon ngayong Semana Santa.
Gayunman kung papayagan ng nakakasakop na Lokal na Pamahalaan ay maaari umanong magpasya ang Parish Priest na magsagawa ng prusisyon.
Samantala, kasabay ng pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas kahapon ay inilaaan din ito bilang Alay Kapwa Sunday.
Kaya naman ang second collection sa mga misa ay ilalaan para sa National at Diocesan programs para sa mga mahihirap at nangangailangan.
