CAMARINES NORTE- Balik operasyon na ngayong araw ang opisina ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa lalawigan ng Camarines Norte na pansamantalang isinara sa taxpaying public noong Lunes at Martes makaraang isailalim sa disinfection.
Bilang pag iingat sa COVID- 19 nililimitahan lang muna ng Revenue District Office No 64 ang pagpapasok ng mga tao sa compound upang masunod ang social distancing.
Gayunman may mga pagkakataon na hindi naiiwasan ang siksikan at hindi rin nasusunod ang social distancing sa kabila ng paulit- ulit na paalala ng mga gwardiya.
Dagdag pahirap pa ang maulang panahon kaya nagsisiksikan ang mga tao.
Sa pakikipag usap ng Brigada News FM kay Assistant Revenue District Officer Daisy De Leon sinabi nito na mayroon silang numbering system para ma control ang pagpasok ng mga tao.
Hanggang isang daang tao lang muna umano ang pinapapasok sa compound ng BIR para hindi mag umpukan.
Kapag mayroong lumabas ay saka lang pwedeng may pumasok uli at mayroon ding cut- off ng hanggang alas tres ng hapon.
Ang iba naman daw na mayroong lang isusumite ay pinahiwalay na pila kanina at pinaiwan na lang ang kanilang papel.
Bago mag tanghali kanina ay mahigit sa 200 numero na umano ang nailabas.
Wala naman daw problema sa pagbabayad dahil maraming online channels.
Ang problema lang talaga ay sa registration dahil kailangan itong gawin sa mismong opisina ng BIR.
