CAMARINES NORTE- Nadagdagan pa ang bilang ng namatay dahil sa dengue ngayong taon sa lalawigan ng Camarines Norte.
Sa impormasyong nakalap ng Brigada News FM Daet mula sa Provincial Health Office, naitala ang ikalawang kaso ng pagkamatay nito lang linggo at ang pasyente ay mula sa bayan ng Labo.
Matatandaan na unang nakapagtala ng fatality ang probinsiya noong Oktubre kung saan ang pasyente ay isang 57 anyos na babae mula naman sa San Vicente.
Patuloy ding nadadagdagan ang nagkaka- dengue sa lalawigan na umabot na ngayon sa 244 batay sa pagtatala ng PHO as of December 2, 2022.
Pinakamataas pa rin ang naitatalang kaso sa Daet na mayroon na ngayong 70 na sinusundan ng Basud na may 35.
Mataas din ang naitalang kaso ng Dengue sa Jose Panganiban na mayroon na ngayong 31 at Mercedes na may 29.
Nasa 28 naman ang naitala sa Labo, 13 sa Vinzons, 12 Talisay, at 10 sa Paracale.
Ang nalalabing mga bayan ay nakapagtala ng single digit tulad ng Sta Elena at San Vicente na kapwa may anim na kaso, tatlo sa San Lorenzo Ruiz at ang pinakakaunti ay ang Capalonga na nakapagtala lang ng isang kaso.
Noong 2021 umaabot sa 154 na kaso ng dengue ang naitala sa buong taon.
