CAMARINES NORTE- Sinalubong ng panibago na namang dagdag na bayarin sa kuryente ang mga kunsumidores ng Camarines Norte Electric Cooperative ngayong Disyembre.
Tumaas kasi ang November 2022 billing rates na babayaran ngayong buwan.
Sa pahayag na inilabas ng Canoreco nitong Biyernes, Disyembre 2, nagkaroon ng Php0.5834 per kWh na pagtaas.
Pumalo sa Php17.3392 per kWh ang residential rate noong Nobyembre kumpara sa Php17.9226 per kWh noong nakaraang October billing.
Ang low voltage rate ay Php16.9690 per kWh at ang high voltage rate naman ay Php15.2065 per kWh.
Paliwanag ng Canoreco na ang pagtaas ay bunsod ng pagtaas ng Blended Generation Charge na Php11.2718 per kWh na tumaas ng Php0.4411 per kWh kumpara sa Php10.8307 per kWh noong nakaraang supply month.
Ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng Fuel Cost (Coal Price) na isang pass-through cost na binabayaran sa mga Power Supplier, gaya ng Therma Luzon, Inc. (TLI), para sa supply month ng October 2022.
Nasa 3. 51 percent ang naitalang pagtaas sa fuel cost dahil sa mas maraming paggamit ng mas mahal na Coal sa paggawa ng kuryente.
Nakadagdag din dito ang paghina ng halaga ng piso laban sa dolyar na kasalukuyang nagdudulot ng mas mataas na presyo ng mga bilihin o ng pangkalahatang inflation.
Bukod dito, tumaas din ang presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) dahil sa significant decrease sa average supply margin ng nasa 9.86% na ang katumbas ay nasa 292MW ng kuryente.
Tumaas ang Transmission Charge mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), System Loss Charge, Senior Citizen Subsidy, Lifeline Subsidy at Generation Rate Adjustment Mechanism (GRAM)/Incremental Currency Exchange Rate Adjustment (ICERA) at ang Value Added Tax (VAT) Charges.
Ang Generation Charge ay nagbabago buwan buwan dahil apektado ito ng WESM prices, power plants dispatch, fuel prices, forex rates at seasons kung kailan binili ang kuryente.
