CAMARINES NORTE- Patuloy ang pagtaas ng mga naitatalang kaso ng dengue sa lalawigan ng Camarines Norte.
Sa tala ng Provincial Health Office mula Enero hanggang nitong Disyembre 2, pumalo na sa 244 ang bilang ng mga nagka- dengue na mas mataas sa mga naitalang kaso noong 2021 na may 154 sa buong taon.
Gayunman malayo pa naman ito para maungusan ang bilang ng mga naitalang kaso ng dengue sa lalawigan noong 2020 na umabot sa 363 buong taon.
Hindi lang noon gaanong napansin ang datos dahil nakatuon ang lahat sa COVID- 19.
Sa ngayon, ilang barangay na sa Camarines Norte ang nakapagtala ng double digit na kaso ng dengue.
Sa Daet nakapagtala ng double digit na kaso ang Alawihao na mayroon nang labingdalawa sa ngayon.
Malapit na ring mag double digit ang Magang dahil mayroon na ito ngayong siyam na kaso.
Ang Daet ang may pinakamaraming kaso ng dengue sa lalawigan na umabot nasa 70.
Nakapagtala na rin ng double digit na kaso ang Barangay Larap sa Jose Panganiban na mayroon na ngayong 11.
Habang sa bayan naman ng Mercedes ay ang San Roque na mayroon ding 11.
Ang dengue ay isang sakit na nakukuha sa lamok at nag dadala ng virus na inaatake ang katawan at nagdudulot ng matinding lagnat at pananakit ng katawan.
Para makaiwas sa dengue may mga praktikal na paraan na itinuturo ang mga eksperto.
Kabilang dito ang pag iwas sa paggamit ng mga bagay na maaaring pamugaran o pangitlogan ng gamot tulad ng gulong.
Kung mag- iimbak ng tubig siguruhing maayos ang takip at hangga’t maaari ay iwasan ang pag- iimbak ng matagal at itapon ang stagnant water.
Dapat ding panatilihing malinis ang pangangatawan at paligid at kung maaari ay gumamit ng mosquito repellent na makatutulong sa pag iwas sa lamok.
Sa loob ng bahay ay maaaring gumamit ng aerosol spray para maiwasan ang lamok.
At kung may nararamdamang sintomas agad na magpakonsulta sa doktor upang maiwasan ang mas malalang komplikasyon.
