LEGAZPI CITY – Umabot na sa 5,025 ang bilang ng mga naantalang pasahero sa buong Bicol Region dahil sa bagyong “Egay”.
Sa tala ng Philippine Coast Guard (PCG) Bicol, kasabay nito ang 1,049 rolling cargoes at 26 vessels.
Pinakamaraming naitala sa Matnog Port Area sa Sorsogon na may 2,780 stranded na pasahero, 708 rolling cargoes at 6 na vessels.
Sinundan ito ng Pio Duran Port sa Albay na may 1,021 na naantalang pasahero, 240 rolling cargoes, at 3 vessels.
Sa Tabaco Port naman ay may 528 na stranded na pasahero, 33 rolling cargoes, at 5 vessels.
Sa Pilar Port sa Sorsogon ay may 404 stranded na pasahero; Pasacao Port sa Camarines Sur na may 162 pasahero; Mintac sa Masbate na may 96; Tamban Port na may 24; Virac Port na may 22; San Andres Port ay 5; Aroroy Port na may 2; habang isa naman sa Cawayan Port.
Ayon sa PCG Bicol, patuloy pa rin na nadadagdagan ang bilang ng mga stranded na pasahero dahil hindi pa pinapayagang maglayag ang mga barko dulot ng bagyo.
Bukod dito, hindi pa rin pinahihintulutan ang mga mangingisda na makapagpangisda dahil sa matataas na alon sa karagatan.
Binigyang-diin ng PCG Bicol na sa oras na alisin na ang storm signal o gale warning ng PAGASA ay papayagan na rin silang bumyahe.