Bilang ng mga boboto sa May 2022 elections sa bayan ng Mercedes nadagdagan ng mahigit 2000, mga natanggal naman sa listahan nasa 205

CAMARINES NORTE- Nadagdagan ng mahigit dalawang libo ang mga boboto sa darating na May 2022 national and local elections sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte.

Mula kasi sa mahigit 32, 000 na registered voters noong 2019 elections ay umaabot na ito ngayon sa 34, 389 batay sa pinakahuling datos ng Commission on Elections.

Inaasahang madaragdagan pa ito dahil sa pinalawig na voter registration.

Nasa 205 naman ang natanggal sa listahan ng mga botante sa nagpapatuloy na Election Registration Board (ERB) hearing sa iba’t- ibang kadahilanan.

Read More:  Mother of four dies while queuing for P20 rice in Bukidnon

Pinakamarami dito ay ang mga lumipat sa ibang lugar na nasa 104 at ang mga na- cancel ang registration records dahil sa pagkamatay na mayroong 64.

Pero kung marami ang lumipat sa ibang lugar ay mas marami ang lumilipat na botante sa naturang bayan.

Ayon kay Election Officer III Emily Basilonia, mas marami din ang nagpaparehistro ngayong extended voter registration.

Matatandaang pinalawig ng Comelec ang voter registration na nagsimula noong October 11 na magtatapos sa October 30.

Kaugnay nito ay patuloy ang paghimok ng Comelec sa mga hindi pa nakakapagparehistro na huwag nang hintayin ang deadline at magparehistro na ngayon.

Read More:  Doctor robbed by riding-in-tandem suspects in Bacolod

Nauna na ring nanawagan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na magparehistro at makilahok sa halalan sa susunod na taon.

Bukas ang mga tanggapan ng Comelec sa bawat bayan Lunes hanggang Biyernes, alas 8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon.

Walang registration kapag araw ng Sabado maliban sa October 30, ang huling araw ng pinalawig na voter registration.