CAMARINES NORTE- Inihayag ng Civil Service Commission na madaragdagan ang slots ng Camarines Norte para sa mga kukuha ng Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE- PPT) sa Agosto.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Acting Director II Atty. Alicia Salinas ng Civil Service Commission Provincial Field Office, sinabi nito na nasa 800 examinees ang kanilang target mula sa kasalukuyang halos 600 lang.
Nilinaw naman ni Salinas na bagamat bukas ito sa general public, kalahati dito ay agency requested.
Pinayagan na kasi ang dagdag na bilang ng examinees kada kwarto.
Sa June 19, 2022 CSE- PPT examinations ay 12 examinees lang ang pinapayagan sa kada kawarto upang masiguro na mayroong social distancing.
Pero sa gagawing kaparehong exam sa Agosto ay 16 na examinees na ang papayagan kada kwarto.
Hinimok naman ni Salinas ang mga nag- aabang na maghintay sa kanilang ilalabas na advisory hinggil sa filing period.
“Yung susunod na exam natin is on August 7, 2022, pero wala pa pong filing period niyan, ang filing period niyan will start on June 2 pero ganun din po wait for advisories din po kung paano makakapag apply kasi ano po ito eh, online application yata po ito, so we are still waiting for the advisory din from the Regional Office kung kailan at paano makakapg secure ng slot.”
Nasa 598 examinees naman ang kukuha ng naturang exam sa Hunyo dito sa Camarines Norte.
Ilalabas na lamang din ang room assignment sa mga susunod na araw.
