CAMARINES NORTE- Magtataas muli ng charge ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP sa mga susunod na buwan.
Ito ang inanunsiyo ng pamunuan ng Camarines Norte Electric Cooperative nitong Biyernes sa kanilang Lingguhang Programa sa Radyo.
Ang bagay umanong ito ay aprubado na ng Energy Regulatory Commission.
Mababatid na isa sa dahilan ng pagtaas ng billing rates sa kuryente noong Abril na binabayaran ng mga kunsomidores ng Canoreco ngayong Mayo ay ang bahagyang pagtaas ng Transmission Charge dahil sa mas mataas na Ancillary Service Charge sa billing mula National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Kaugnay nito ay pinapaalalahanan ang mga kunsomidores na maging matalino sa paggamit ng kuryente.
Nitong buwan lang ay naglunsad ng Energy Efficiency and Conservation Information Campaign ang Presidential Communications and Operations Office (PCOO) at Department of Energy na tinawag na ‘Enerhiyang Atin’.
Layon umano nitong hikayatin ang mga Pinoy na gamitin ng wasto ang enerhiya sa panahaong napakamahal ng gasoline, bilihin at kuryente.
