CAMARINES NORTE- Mas mababa ang bilang ng enrollees sa Camarines Norte ngayong School Year 2022- 2023 kumpara noong nakaraang School Year 2021- 2022.
Batay sa enrollment quick count ng Department of Education hanggang Agosto 25, 2022 na ibinahagi sa Brigada News FM Daet ni Schools Division Superintendent Nympha Guemo mayroong 172, 852 enrollees ang lalawigan ngayong School Year na mas mababa sa 178, 146 noong nakaraang School Year.
Nasa 94, 738 ang enrollees sa Elementary na mas mababa sa 95, 674 kumpara noong nakaraang School Year.
Sa Junior High School ay mayroong enrollment na 52, 458 habang 25, 656 naman sa Senior High School.
Mababatid na nagtapos ang enrollment period sa mga pampublikong eskwelahan noong Agosto 22 sa unang araw ng pasukan
Una nang sinabi ni SDS Guemo na tatanggap pa rin ng late enrollees ang DepEd basta mabuo ang 80 percent ng 203 number of school days.
Gayunman aminado si Guemo na mahuhuli sa mga aralin ang mga batang late enrollees kaya naman ngayong pangalawang linggo pa lang ng pasukan ay patuloy na hinihikayat ang mga magulang na ipa- enroll ang kanilang mga anak para makahabol.
