NAGA CITY –Kapansin-pansin ang pagbaba sa bilang ng Children At Risk o ang mga batang namamalimos sa Naga City nitong mga nagdaang buwan at patuloy itong binabantayan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Sinabi sa Brigada News FM Naga ni Eden San Andres, social worker sa Naga City, sa nagpapatuloy nilang rescue operations sa mga batang namamalimos sa lungsod, napansin nila ang pag kaunti sa bilang ng mga ito. Kung noon, inaabot ng hanggang sampung bata ang kanilang narerescue, ngayon halos hindi na ito lumampas sa lima. May mangilan-ngilan pa rin ngunit ang karamihan sa mga ito, dayo pa sa kalapit na bayan.
Bumaba man ang bilang nito, hindi pa rin nila inaalis ang posibilidad na lumobo itong muli pagdating ng Setyembre kung saan nakikita nilang sasamantalahin na naman ng mga ito ang malaking selebrasyon ng kapistahan ni Inang Peñafrancia ngayong taon. Aniya, hindi naman sila nagpapakampante sa mababang bilang na ito, bagkus mas pinaghahandaan nila ang kanilang mga magiging hakbang sa mga susunod na buwan.