LEGAZPI CITY – Epektibo na ngayong araw ng Martes ang muling pagtaas ng presyo ng gasolina at krudo sa bansa batay sa anunsyo ng ilang oil companies.
Posible umanong tumaas ng P5.40 hanggang P5.70 ang bawat litro ng diesel habang P1.30 hanggang P1.60 naman sa gasolina.
Ayon kay Joel Pillogo, tagapagsalita ng Condor Piston Bicol at head ng Camarines Sur, ikinadismaya ng transport group ang sunod-sunod na bigtime oil price hike ngayong buwan ng Agosto.
Bagama’t tatlong beses na nagkaroon ng rollback sa gasolina at diesel, hindi naman ito umabot ng P5 habang dalawang beses na nagkaroon ng pagtaas ng gasolina at diesel na umabot sa P6.10.
Aniya, halos wala nang nagagawa ang gobyerno sa patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo, kung saan hindi malaman kung sino dapat ang humahawak o kumokontrol nito.
Dahil dito, mahihirapan muli ang mga driver na kumita nang malaki dahil sa epekto ng pagtaas ng gasolina at diesel sa bansa.
Hindi na rin umaabot sa minimum ang araw-araw na sahod ng mga driver, kung saan napupunta lamang sa gasolina ang kanilang kinikita.
Panawagan ng nasabing grupo, alisin muna ang excise tax at ibasura ang oil deregulation law dahil P15 ang matitipid nito sa oras na maipatupad na ito ng gobyerno.
Nilinaw nito na hindi lang mga driver ang makikinabang dito, kundi lahat ng mga mamamayan, dahil may posibilidad umano na bumaba ang presyo ng bilihin sa merkado.