BICOL—Nagpanlima ang Bicol region sa may pinakamaraming nabakunahan sa buong bansa sa pag-arangkada ng National Vaccination Days na nagsimula nitong Lunes, Nobyembre 29.
Kabuuang 163,285 na mga Bicolano ang nabakunahan sa unang araw pa lang ng bakunahan base sa Vaccine Online Registry System (VORS) sa huling report kahapon, November 30, 2021.
Nangangahulugan ito na naabot ng rehiyon ang 45.80% ng 384,320 daily target na itinakda ng National Vaccination Operations Center (NVOC) para sa Bicol Region.
Maliban sa nasabing bilang, mayroon pang mga hinihintay na record mula sa ibang mga Local Government Units (LGUs) at vaccination sites na hindi pa nakapagsumite ng kanilang data.
Base sa record sa bawat probinsya, Camarines Sur ang nangunguna sa may pinakamaraming nabakunahan na umabot sa 50,588, sunod ang Albay na may 34,662, Sorsogon na may 29,163, Masbate na may 18,072, Camarines Norte na may 14,610 at Catanduanes na may 13,170 na mga nabakunahan laban sa COVID-19.
Kaugnay nito ay patuloy pa rin ang paghikayat ng DOH Bicol sa mga Bicolano na magpabakuna ngayong nagpapatuloy ang Bayanihan Bakunahan na ansa ikatlong araw o kahit matapos na ang itinakdang araw para sa aktibidad kung saan magtutuloy-tuloy pa rin ang bakunahan.### |slm