CAMARINES NORTE- Tiniyak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na hindi makakapasok sa lalawigan ng Camarines Norte ang mga shellfish partikular ang tahong na galing sa mga lugar na positibo sa Red Tide.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Provincial Fishery Officer Rolando Tiam sinabi nito na hindi naman inaalis ang kanilang chokepoint sa Tabugon na siyang nagsasagawa ng inspection sa mga incoming at outgoing na mga fishery product.
Kung mangagaling naman aniya sa Sorsogon ay mayroon ding quarantine unit ang BFAR na siyang tumitingin sa mga shellfish at aktibo rin aniya ang quarantine section sa Masbate.
Mababatid na karaniwang na galing sa Sorsogon at Samar ang mga tahong na ibinabagsak sa merkado dito sa Camarines Norte.
Kung mangagaling sa Samar ay hindi rin aniya ito makakalusot dahil sa Matnog, Sorsogon pa lamang ay mahaharang na ito.
Ayon pa kay Tiam hindi rin apektado ng Red Tide ang karagatan ng Camarines Norte dahil nakaharap ito sa Pacific Ocean kung saan hindi nakukulong ang dagat kaya hindi kakayanin ng organism na mabuhay dito.
“Ito pong ating area ang buong Camarines Norte libre po ito sa red tide dahil tayo po ay facing pacific ocean, wala pong nakukulong dito sa atin na dagat kung saan mayrong pagkakataon na mabuhay yung mga organism ng red tide,” ani Tiam.
“Kung sasabihin po na halimbawa po yung San Miguel Bay ay hindi rin po magkakaroon yun ng red tide ng mga organism na magtutubo doon dahil sila po ay ano, ang San Miguel Bay po ay malawak at saka yung current ay labas pasok po yung tubig kaya walang tiyansa po na mag accumulate yung mga organism na yan na red tide.”
