CAMARINES NORTE- Pinaigting ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang kampanya kontra sa paggamit ng plastic straw at styrofoam sa seaweed farming.
Nagsasagawa ngayon ang ahensiya sa pamamagitan ng National Coordinating Unit- Seaweed Development Program (NCU- SDP) ng serye ng Information, Education and Communication (IEC) caravan patungkol sa pagbabawal ng paggamit ng plastic straw at Styrofoam sa mga major producing region ng seaweed kabilang na ang Bicol at Zamboanga City.
Noong Martes, ay ginawa ang Information and Education Campaign Impact of plastic straw to the Philippine Seaweed Industry sa Sitio Ulipanan, Barangay Dahican, Jose Panganiban, Camarines Norte na dinaluhan ng hindi bababa sa 100 seaweed farmers mula sa naturang bayan at Capalonga.
Dito ipinaliwanag ng mga eksperto mula sa BFAR ang epekto ng Microplastic sa guso at posibleng epekto rin sa kalusugan ng tao.
Ayon sa BFAR layon ng ganitong aktibidad na masolusyunan ang “imminent threat” ng malawakang pagggamit ng multi- colored plastic straws na natuklasang mayroong negatibong dulot sa seaweed farming.
Ang mga seaweed expert mula sa academe, kinatawan ng seaweed industry ay pinag uusapan ang mga stratehiya kung paano mababawasan o tuluyang ma- eliminate ang paggamit ng multi- colored plastic straws sa kabuuan ng seaweed value chain.
Ang kahalintulad na aktibidad ay ginawa rin sa Zamboanga City nitong Huwebes, September 15.
