CAMARINES NORTE- Nakipagpulong si Mayor Adrian Davoco noong nakaraang linggo sa iba’t- ibang TODA sa bayan ng Basud, Camarines Norte upang ipaliwanag ang tungkol sa muling pagpapaigting ng road clearing operations.
Kung hindi man daw kasi ngayong taon ay posibleng simulan muli ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang road clearing operations sa pagsisimula ng 2023.
Paliwanag ni Davoco na ipagpapatuloy ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang ginawa ng nakaraang administrasyon na road clearing.
Kapag nangyari umano ito isa sa mga maapektuhan ay ang tricycle sector na walang permanenteng terminal.
Ayon sa Alkalde bilang paghahanda sa posibleng mangyari sa hinaharap ay nais umano ng lokal na gobyerno na mailagay sa tama at ayusin ang mga dapat pang ayusin at isa na dito ang tricycle.
Ipinahayag ng Alkalde sa mga driver at operator na plano ng lokal na pamahalaan na bumili ng lupa para gawing terminal ng mga tricycle dahil wala itong sariling terminal at kung saan- saan lang nakapuwesto.
Kapag bumili umano ng lupa ang lokal na pamahalaan ay magigi itong local enterprise kaya magbabayad ang mga toda ng terminal fee.
Gayunman tiniyak ng Alkalde na hindi mabibigatan ang mga Toda sa ibabayad na terminal fee at pag uusapan pa aniya ang tungkol sa bagay na ito.
Ang maganda umano dito ay magkakaroon na hindi lang ng permanenteng terminal ang mga tricycle kundi nasa standard pa.
Ang gagawing terminal ay tatayuan din aniya ng mga pasilidad tulad ng CR, hintayan ng pasahero at driver.
Wala namang pagtutol ang mga TODA sa hakbang na ito ng LGU.
Ang kailangan lang resolbahin ay ang isyu sa agawan ng pasahero.
