Bayan ng Mercedes walang naitalang aktibong kaso ng COVID- 19 nitong weekend

CAMARINES NORTE- Walang naitalang aktibong kaso ng COVID- 19 sa bayan ng Mercedes nitong weekend.

Batay ito sa COVID- 19 situational report hanggang noong Biyernes, Agosto 26 na naka- post sa official social media account ng Municipal Health Office.

Sa kabuuan umabot na sa 189 ang bilang ng mga tinamaan ng sakit mula noong 2020.

Nasa 21 naman ang nasawi habang 166 ang gumaling.

Nangunguna ang San Roque sa may pinakamaraming naitalang COVID cases na mayroon nang 35 simula noong 2020.

Sinusundan ito ng Del Rosario na may 24, Barangay 3 na may 14, Barangay 2 na may 11 at tig- sampung kaso naman ang Manguisoc at Pambuhan.

Pinaka kaunti sa Catandunganon na mayroon lang isa habang tig dalawang kaso naman sa Lanot, Hamoraon, Quinapagian at Apuao.

Mas mataas ang bilang ng tinamaan ng COVID sa age group na 21- 30 at marami sa mga ito ay babae.

Nasa zero percent ngayon ang occupancy rate sa Mercedes Ligtas COVID Center na naglaan ng 43 beds for COVID.

Patuloy naman ang paalala ng Lokal na Pamahalaan sa mga Mercedenos na sundin pa rin ang minimum health standards na madalas ay hindi na ginagawa lalo na sa matataong lugar tulad ng fish port.

Kasabay nito ay ang pakikiisa sa PINASLAKAS vaccination campaign.

Batay sa datos ng Provincial Covid- 19 vaccination operation center hanggang noong Sabado, Agosto 27 nasa 78. 0 percent na ang vaccination coverage sa target population na 37, 857 sa naturang bayan.