BATANGAS CITY – Muling lalahok ang lungsod ng Batangas sa One Planet City Challenge (OPCC) ngayong taon.
Ito ay kahit tinanghal nang national winner ang lungsod sa nasabing kompetisyon noong 2020.
Ang OPCC ay isang friendly-competition sa mga lungsod sa bansa na nagpapatupad ng mga programa at hakbang upang matugunan ang climate change.
Bilang kalahok, planong magsumite na ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng City Environment Office (City ENRO) ng detalyadong report hinggil sa Green House Gas emission, climate action plans & goals at climate targets.
Sasailalim ito sa masusing pagsusuri, assessment framework at evaluation ng mga eksperto.
Makakatunggali ng Batangas City sa OPCC ang 15 pang siyudad sa buong bansa.
Kung papalaring magwagi, ang Batangas City ang lalaban sa World’s Most Lovable City ng WWF’s We Love Cities Campaign na pinagwagian na rin ng lungsod noong 2020.