Hinimok ni House Quad Committee Overall Chairman Robert Ace Barbers ang Department of Justice na sampahan ng kasong murder sina dating Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Royina Garma at NAPOLCOM Commissioner Edilberto Leonardo.
Kaugnay ito sa pagpatay kay dating PCSO Board Secretary Wesley Barayuga noong 2020.
Ayon kay Barbers, nakikipag-ugnayan na sila sa DOJ bagama’t mayroon itong representatives na nagmo-monitor sa mga pagdinig ng Quad Comm.
Dapat aniyang isalang sa interview ang dalawang testigo na sumalang noong ikapitong pagdinig at i-assess ang kanilang testimonya.
Partikular na rito sina Police Lt. Col. Santie Mendoza at asset na si Nelson Mariano.
Punto ng kongresista, kailangang isaalang-alang ng DOJ ang mga testimonya at affidavit nina Mendoza at Mariano at maghain na ng kasong murder laban kina Garma at Leonardo sa lalong madaling panahon sa halip na hintayin pa ang committee report.
Mababatid na sa pagdinig ay tinawag ni Surigao Del Sur Representative Johnny Pimentel na walang awang mamamatay-tao si Garma.
Naniniwala naman si Antipolo City Representative Romeo Acop na ang tunay na motibo sa pagpatay kay Barayuga ay may kaugnayan sa pagtutol nito na palawakin ang operasyon ng small-town lottery at pagkakaloob ng prangkisa sa umano’y mga kaibigan ni Garma.