Ipinag-utos ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang agarang pagbubukas ng imbestigasyon sa pagpatay kay Ret. Police General at Philippine Charity Sweepstakes Office Board Sec. Wesley Barayuga.
Kasunod ito ng testimonya ni Police Lt. Col. Santie Mendoza sa House Quad Committee kung saan isinangkot niya ang mga matataas na opisyal na sina NAPOLCOM Commissioner Edilberto Leonardo at dating PCSO General Manager Royina Garma sa pagpatay kay Barayuga noong 2019.
Dahil sa seryosong alegasyon, inatasan ni Gen. Marbil ang CIDG na pangunahan ang imbestigasyon at ire-evaluate ang lahat ng ebidensiya dahil sa mga bagong testimonya .
Ipinag-utos din ang pakikipagtulungan sa iba pang ahesniya upang matiyak ang transparent at walang kinikilingang imbestigasyon.
Pagtitiyak ng PNP Chief sa publiko, pananagutin nila ang tunay na may sala sa pagpatay kay Barayuga.