SORSOGON CITY—Isa na namang insidente ng pamamaril-patay sa isang Barangay Official ang naitala sa lalawigan ng Masbate nitong Linggo.
Pasado ala una ng hapon kahapon nang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga salarin si Barangay Kagawad Noli Licup, 56-anyos, residente ng Brgy. Docol, sa bayan ng Baleno.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, galing ang biktima sa Barangay Poblacion sakay ng kanyang motorsiklo papunta sa Barangay Docol nang bigla itong harangin ng dalawang suspek habang nasa Barangay Tinapian.
Pinagbabaril ng mga suspek ang biktima sa likod na nagresulta sa agaran nitong pagkamatay.
Tumakas ang mga suspek papunta sa direksyon ng Aroroy, Masbate. Narekober sa crime scene ang anim na basyo ng kalibre 45.
Nagpapatuloy ngayon ang imbestigasyon ng Baleno Municipal Police Station para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakadakip sa mga tumakas na salarin.
Magugunita na Hunyo 21 nang pagbabarilin hanggang sa mamatay ng 12 armadong kalalakihan si Barangay Kagawad Romnick Drio ng Brgy Obongan-Diot, sa bayan din ng Baleno kung saan pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang mga salarin.
Hunyo 26 naman nang barilin ng malapitan at mapatay din si Barangay Kagawad Edison Rosero ng Barangay Capaculan sa bayan ng Milagros habang nanonood lamang ng basketball tournament sa kanilang barangay.#
