Bahay sa Manito, Albay, nasunog; isa, sugatan

LEGAZPI CITY – Natupok ng apoy ang bahay ng isang pamilya sa Brgy. Balasbas, bayan ng Manito, Albay, kung saan isa ang naiulat na sugatan.

Kwento ng isa sa mga biktima na si Danica Dagala, 23 anyos, nagsimula ang sunog sa nilulutong sinaing alas 9 y media ng umaga.

Nagsaing umano ang kanyang kapatid at napag-utusan ng kanyang ina na si Maricel Bagamasbad, 42 anyos, na mag-grocery para sa maliit na tindahan, kaya’t iniwan nito ang niluluto at pinaubaya sa kanyang ina na abala noon sa paglaba.

Nakaligtaan ito ng kanyang ina hanggang sa makitang nasusunog na ang bahay na yari sa light materials.

Dahil dito, dali-daling pumasok ang kanyang ina sa nasusunog na bahay upang sagipin ang dalawang taong gulang niyang kapatid na nakalabas na pala.

Samantala, walang anumang naisalbang gamit ang mga biktima, anupa’t maging ang benta sa tindahan ay kasama sa mga nasunog.

Sa ngayo’y naninirahan muna sila pansamantala sa kapitbahay habang naghihintay ng tulong upang maitayong muli ang kanilang bahay.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad ukol sa insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *