Alas-siete bente kaninang umaga nang tuluyang maapula ang sunog sa Mary Chiles Hospital sa Sampaloc, Maynila.
Sa ibinigay sa ating impormasyon, mag-aalas siete kaninang umaga nang sumiklab ang sunog sa stockroom ng ospital.
Linawin lang natin na nakahiwalay itong nasunog na stockroom sa mismong gusali na ginagamit ng mga medical personnel at ng mga pasyente.
Sa kabila nito, may mga pasyente pa ring inilikas dahil sa nangyaring sunog.
Tumagal ang sunog ng mahigit kalahating oras na itinaas pa sa ikalawang alarma bago idineklarang fire out.
Wala namang nasaktan sa nangyaring sunog at sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon sa kung ano ang pinagmulan ng apoy at kabuuang halaga ng pinsala.